Biyernes, Disyembre 23, 2011

Titulo


"Jessie, Lumabas ka na!!!
Huwag mo nang pahirapan pa si marge. "

Lasang lasa ko ang pait ng luha habang
yakap-yakap ang aking mama.

Kasalukuyan kaming nasa likod ng isang basurahan
malapit sa lumang bodega kung saan kami galing.

Naghalo na ang luha ko't pawis at hindi ko na
alam kong ano roon ang aking nalasahan.

Si mama ay impit din ang pag-iyak habang
takip-takip ang sariling bibig.

Pinipigilan namin ang bawat isa na mag-ingay o
gumawa ni munting kaluskos para hindi
mabingit sa kamatayan ang aming mga sarili.

Mula sa kung saan ay dinig na dinig namin ang

BUO at MAKATINDIG BALAHIBONG boses ni Tiyo Anselmo.

"Huwag na kayong magpakapagod pa! Huwag niyo nang pahirapan pa ang iyong sarili. After all, doon din ang bagsak ninyo."

Humigpit ang pagkakayakap ko kay mama dahil sa takot sa aking tiyo.

Si mama ay nakahandusay sa putikan at nanlilimahid na ang kanyang sugatang paa.
Hindi ko mapigilan ang lalong maiyak sa tuwing maaalala ang mga pangyayari kanila lang.

Dumating si Tiyo kasama ang aking papa galing sa trabaho.
Kapwa sila nagtatrabaho sa pabrika ng aking lolo.

Si tiyo ay anak sa una ni Lolo Isaac at hindi linggid sa lahat na hindi ito kinagigiliwan ng ama. Samantalang si papa ay laging bukambibig ni lolo at paboritong ipagmalaki sa lahat ng mga kaibigan nito.

Nang pumanaw si Lolo kataka-taka ang pagiging mabait ni tiyo kay papa. Na dati-rati'y kulang na lang ay gilitan niya ng leeg ang aking ama sa tuwing magtatalo sila tungkol sa maliliit na bagay.

Dahil mas bata si papa kaya siya ang parating nagpapaubaya kay tiyo.

Sa kanilang dalawang magkapatid, mas kinagigiliwan din ng mga kasamahan sa trabaho si papa kaysa kay tiyo kaya't laging maiinitin ang ulo nito.

Minsan nga'y sa sobrang lasing ni tiyo na kainuman ang isa sa kanilang kasamahan ay bigla na lang niyang binugbog ang huli sa dahilang palagiang pagbabanggit ng pangalan ni papa.

May tatlong linggo na nang pumanaw si lolo at may tatlong linggo na rin ang pagpapakita ng kakatwang kilos ni Tiyo.

Sa tuwina, lagi na siyang masayahin at palabati sa aming pamilya. Palagi na rin siyang bumibisita sa bahay at kung minsa'y doon na rin naghahapunan at nakikipagkwentuhan.

Ang aking mga magulang ay galak na galak sa pagbabagong nakikita nila kay Tiyo. Ngunit ako, mula noon mapa hanggang sa araw na ito ay iisa parin ang paniniwala ko: MASAMANG TAO si TIYO.

Nakuha ni papa ang titulo ng pabrika at ilang bank accounts sa kabisera bilang lehitimong tagapagmana ni lolo. Datapwat may nakuha rin si tiyo, hindi pa rin ito sasapat sa maluho niyang buhay. 

Naiisip ko noon na kung naiinggit si tiyo sa minana ni papa, eh bakit kailangan niya pang maging mabait sa amin? gayong maaari na namang niyang icontest ang last will ni lolo?

Nasabi ko kay mama isang beses na tingin ko'y pagkukunwari lang ang pakitang-bait ni tiyo sa amin.

Galit na galit si mama noon sa akin at sinabihan niya akong masama ang husgahan at pagbintangan ang ibang tao lalo pa't kadugo.

Sa edad kong labing dalawa, masasabi kong matalino ako at bihasa sa pagkilatis ng tao. Maaaring imposible dahil sa mura kong edad ngunit tingin ko'y gift ko iyon.

Pero mula nang pagalitan ako ni mama tungkol sa tingin ko sa aking tiyo at pinilit ko i-appreciate ang pagiging mabait niya sa amin lalo na kay papa.

Noong una'y katanggap-tanggap ngunit nang magdadalawang linggo na, nabuo na ang noo'y kutob pa lang nang maulinigan ko si tiyo na may kausap sa kanyang cellphone.

Buong-buo ang malaking boses ni tiyo at dinig na dinig ko ang plano niyang nakawin ang mga pamana ni lolo sa amin.

Mabilisan kong ipinaalam iyon sa aking mga magulang. Noong una'y nagalit si papa at si mama'y hindi makapaniwala ngunit dahil ako mismo ang nakasaksi at nakarinig kaya't kalaunan ay pinaniwalaan na rin nila.

Kinabukasan, umuwi si papa na may pasa at sugat sa kaliwang mata. Natatarantang ginamot ni mama ang pasa at sugat na iyon.

Nalaman namin na nagpambuno pala sina papa at tiyo sa pabrika nang kumprontahin ni papa ang aking nagpapanggap na tiyuhin.

Simula nang araw na iyon, hindi ko na nasilayan pang muli si tiyo anselmo. May kung anong kasiyahan ang idinulot niyon sa akin.

Akala ko'y kahit kailan ay hindi ko na siya makikita.
Dahil aminado akong mapahanggang ngayon ay takot na takot pa rin ako sa itsura niya.

Malayong malayo ang itsura ni tiyo sa aking papa na mestizo at gwapo. Samantalang si Tiyo ay maitim, mataba at napakatangkad. Iisipin mo nga na isa siya sa mga "wrestler" sa paborito kong palabas na WRESTLE MANIA at maiikumpara siya kay undertaker.

Akala ko'y sa pagtanda ko na ang muli naming pagkikita ni tiyo. Pero nagkamali ako.

Ginabi si papa ng uwi galing sa trabaho. Ito ang kaunaunahan niyang uwi ng alas otso y medya.
Malaki ang bahay na tinitirhan namin, malaki ang bakuran at Malayo kami sa mga kalapit-bahay.

Bigay iyon ni lolo sa aking papa nang mag-asawa na ito.
Isa ito sa ikina-iinggitan ni tiyo noon.

Pagod na pagod si papa nang umupo sa sofa.
Mabilis kong kinuha ang kanyang tsinelas at si ate Miranda na aming kasambahay ay pinaghanda siya ng hapunan.

Masaya kaming nakipagkwentuhan kay papa nang biglang magtatahol ang aso namin. Nagtaka ako kung bakit bigla rin itong tumigil.

Natapos si papa sa pagkain na may ngiti sa labi. Si mama ay niyakad na akong pumanhik sa kwarto para matulog.
Akma na kaming aakyat sa hagdanan nang biglang bumukas ang pinto namin at kumabog ang dibdib ko nang makita ko si tiyo na may duguang karit na hawak.

Kasalukuyang pabalik si Ate Miranda sa sala mula sa kusina nang magilalas siya sa nakita.


Mabilis ang naging mga pangyayari. 


Iwinasiwas ni tiyo Anselmo ang karit na dala-dala at parang baliw na binati pa kami ng "Magandang Gabi."


Nagtatatarang si Ate Miranda at hindi niya alam ang gagawin lalo na nang mabilis siyang nahablot sa buhok ni tiyo.


Hindi kami nakakilos lahat pati si papa na natigalgal rin.


Nagulat kaming muli nang ang karit na dala ni tiyo ay pinangtagpas niya ng leeg ng aming kasambahay.


Mabilis na nagsusumigaw si papa sa amin ni mama ng,
"Akyat! Akyat! Umakyat kayo sa kwartO!"


Halos magkandapa-dapa ako sa taranta at takot nang oras na 'yon.
Mula sa bungad ng hagdan dinig na dinig namin ni mama ang pag-usisa ni tiyo sa mga titulo ng minana ni papa.


Galit na galit din si papa at sinabing hinding hindi niya iyon ibibigay sa kanya.

Ngumingisi si tiyo Anselmo sabay wasiwas ng karit sa kamay ni papa.

Nagsusumigaw na ako at si mama'y iyak ng iyak.
Mabilis kaming pumasok sa kwarto nina mama at kinandado ang pinto.


Iniangat ni mama ang carpet ng sahig at mula roon ay may isang kaha na nakabaon sa mismong sahig nito.


Nilabas ni mama lahat ng mga importanteng papeles at inilagay niya sa baywang ko gamit ang isang packing tape.


"Huwag mong ibibigay 'yan kahit anong mangyari sa atin!" umiiyak na sabi ni mama.
Marami pa siyang sinasabi ngunit wari'y hindi ko na maintidihan dahil sa kaba at takot.


Nagulat kaming muli nag pagsisipain ni tiyo ang pinto ng kwarto at nang bumukas ito, hawak na ni tiyo anselmo ang ulo ni papa.


Halos mawalan ng ulirat si mama kakatarang gayun din ako.


Tama. Hindi nga ako nagkamali na SALBAHE ang aking tiyo noon pa man.


"Marge, ibigay mo na ang mga kailangan ko! Hindi mo ba mahal ang anak mo? At gusto mong makita mismo sa harapan mo kung paano ko siya patayin?"


Matigas si mama at minura niya pa ang demonyo naming bisita.


Lahat ng mahawakan ni mama ay ibinato niya.


Nagulat na lang ako nang nakalapit si tiyo sa amin at
hawak na ang buhok ni mama.



Parang baliw na inamoy-amoy ni tiyo si mama.


Nakakatakot.


Si tiyo ay parang  isang karakter na psyho-killer sa mga dvd na napapanood ko.
Ni hindi  sumagi sa isip ko na mararanas ko ang mga ito.


"Alam mo Marge, isa pa sa ikina-iinggit ko sa kapatid ko ay ikaw. Dapat sa akin ka na lang sumama eh. Dapat ngayon masaya na tayo! " May pait sa boses niya.


"Hinding hindi ako sa sama sayo! Hayop!" Galit na sabi ni mama sabay tadyak patalikod sa pundilyo ni tiyo.


Nakita ko kung paano sapuin ng lalaki ang kanyang ari at nagmumura.

Mabilis kaming tumakbo palabas ni mama.


Nasa bakuran na kami nang nakapagtatakang nahabol kami ni tiyo.

Para sa akin ng mga oras na iyon iba ang kanyang lakas at liksi.

Namumula ang kanyang mga mata.


Natalisod si mama sa nakausling bato at naabutan kami ni tiyo.

Mabilis na itinusok ni tiyo ang karik sa paanan ni mama.


Kinain ng kadiliman ang hiyaw ni mama.


Hindi ko alam ang gagawin kung paano isasagip si mama.


Itinaas ko ang damit ko at ipinakita kay tiyo ang mga papeles na hinahanap niya na nakadikit sa aking tiyan at mabilis akong nagtatakbo sa talahiban.


Alam kong hinahabol niya ako. At alam ko rin na tama ang nagawa ko para masagip si mama. 

kahit pa lagyan ako ng piring sa mata kaya kong makipaghabulan sa kuneho sa aming talahiban.


Matalino kong idinapa ang aking sarili sa damo at ipinangtakip ang mga tuyo't nito sa aking sarili.


Galit na galit si tiyo sa akin at nagsisigaw. Pigil ko ang hininga't iyak nang tumayo sa aking tapat si tiyo. Hindi niya alam kung saan pupunta nagtaka na lang ako nang tumakbo siya pabalik ng bahay.


Mabilis kong binalikan si mama at nakarating kami sa aming lumang bodega.
Doon namin humihingal na niyakap ang isa-isa.


Naghalo ang luha, pawis at dugo sa aming dalawa.


Nasa ganoon kaming sitwasyon nang marinig namin ang boses ni tiyo na papalapit sa aming kinatataguan.

Sinabihan ako ni mama na tumakbo na ako at iwan siya.
Humingi raw ako ng tulong dahil hindi na niya kaya.
Kitang kita ko ang hirap sa kanyang mukha lalo pa't
tuluy-tuloy ang pag-agos ng dugo mula sa kanyang paa.


Hindi ko alam kung saan nanggaling ang pwersa't lakas ko nang mga oras na iyon.
pinaupo ko si mama sa lumang karton at mabilis na hinila papunta sa lumang basurahan.


Ngayon nga'y yakap ko rito si mama.


Natawag ko ang lahat ng santo nang tabigin ni tiyo ang basurahan at tumambad sa amin ang duguan niyang karit.


Nagsisigaw ako nang tuluyang
tagpasin ang ulo ni mama.

Mura ako nang mura ngunit panay ngisi lang ng malademonyo kong tiyuhin.


Halos mapatid ang ugat ko sa leeg kakasigaw dahil sa takot at galit.


Itinaas ni tiyo ang karit at animo kuminang ang blade nito sa sinag ng buwan.


Akmang pababa na ito sa aking leeg nang biglang sampalin ako ni tiyo.


"Hoy, pamangkin! Ano bang nagyayari sayo?
Kanina ka pa ungol nang ungol at iyak nang iyak."


Napabalikwas ako ng kama at nagsisigaw sa kanya ng,
"UMALIS KA! UMALIS KA!"


Masamang bangungot lang pala ang lahat.


Ngunit mananatiling panaginip lang ba ito?

Gayung totoo ang ilang pangyayari rito at magdadalawang linggo na si tiyo na bumibisita sa amin.

Magdadalawang linggo na ang pagpapakita niya ng kabaitan na dati namang hindi.


Ano sa tingin mo?



3 (mga) komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

haisst.nkkklabot nmn ung pnaginip nia!tinggin q pangitain n2 n pede mangyari s kanya kya cguro habang maaga magingat cla.nlala q 2loy ung mga kwento ng final destinations na me pangitain.Galing ng harbinger.congrats guys!!!!ilove ur blog!!!

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

To bloggers,your stories are magnificently written but what is your purpose?tanong langpoeh nadadala ako sa mga stories ei.ty

The Harbinger Diary ayon kay ...

.Maraming salamat dahil naibigan ninyo ang TITULO.