Lunes, Disyembre 19, 2011

Bilao


Nagtataka ako kung bakit napakaraming sasakyan
ng mga sundalo malapit sa aming lugar.
Ang bawat isa ay putikan at nagmamadali na magsibabaan.

Pangarap ko noon ang magsundalo.
Pangarap na hanggang ngayon ay minimithi ko.

Dinaanan lang ako ng mga sundalo,
natakot tuloy ako bigla para kina nanay at
kuya na nasa bahay. Naisip ko baka may inkwentro na naman.

Inkwentro na malimit mangyari dito sa amin sa Iligan.

Inalala ko kung ano ang nangyari kanina at bakit nandito ako ngayon sa tabi ng kalsada...

Mabilis kong nilapitan si Nanay nang makita ko siyang may bitbit na mga gulay at nakaipit sa kilikili niya ang bilaong ginagamit niya sa pagsala ng ginto sa batis.
Matagal na si nanay sa ganung uri ng trabaho.
Ilang beses na rin siyang niyakad ng mga
kapit-bahay namin na sumama na lang sa kanila na magtrabaho sa isang malaking kumpanya ng
mga minero (mining company) pero tumanggi siya.
Katwiran niya, nakakasurvive naman kami sa araw-araw
at hindi niya kailangang mangamuhan pa.

Tatlo na lang kami nina kuya at mama sa bahay
ng tiyahin ko. Si tiya ay may tindahan ng gulay sa kabihasnan at duon na siya nagpipirmi.
Si tatay ay maaga kaming iniwan.

Maaga siyang lumisan dahil sa isang aksidente.
Ang trabaho ni tatay ay kahalintulad ng kay nanay.
Ang pinagkaiba lang ay, kailangan ni tatay sumisid sa isang balon gamit lang ang isang maliit na hose at compressor para hingahan niya. Hindi alam ng mga kasamahan ni tatay na natanggal ang hose na nakakabit sa makinang nagsu-supply ng hangin. Sabi ng mga kasamahan ni tatay nagtaka na lang sila na hindi na umahon ang aking ama kaya napagdesisyunan nilang sisirin na ito.

Parang gumuho ang mundo ni Nanay nang malaman niya ang nangyari kay tatay. Hindi alam ni nanay kung papaano niya kami bubuhayin. Ako'y grade 6 pa lang at si kuya naman ay may sakit sa puso kaya kalimitan lagi lang siya nasa bahay dahil bawal na bawal sa kanya ang mapagod.

Buti na lang at kahit papaano'y nakabawi kami sa trahedya.
Walang ibang alam na pagkakitaan si nanay kundi ang paggiginto. Ayaw naman niyang mamasukan pa sa tiyahin ko dahil hindi na 'yun papayag. Manunumbat na naman iyun na libre na nga kami ng bahay pakain pa kaming lahat.

"Nasaan ang kuya mo bunso?" tanong ni nanay nang iabot niya sa akin ang bilao. "Nasa likod-bahay po at nagdo-drawing." 

Walang ibang pinaglilibangan si kuya kundi ang pagguguhit. Kahit uling at lumang karton lang ang gamit ni kuya'y napakahusay niya sa pagguhit. Ang sabi nga niya noon kay tatay at nanay gusto niyang mag-aral ng pagguguhit sa kolehiyo, binigyan ni tatay ng ngalan ang kurso iyun na "Payn Harts".

Nagpunta kami ni nanay sa likod-bahay at nakita namin si kuya na nasa kosentrasyon ng pagguhit. Napakaganda ng mga halaman na binigyan niya ng buhay at kulay sa karton.
Makulimlim na nang mga oras na iyun. Maya-maya pa'y pumatak na ang ulan. Mabilis kaming nagtakbuhan papasok sa bahay. Ang bigat ng bawat patak. Ramdam ko ang pressure ng ulan na para bang excited ang bawat isa na halikan ang lupa.

"May bagyo ngayon. At kailangan natin maghanda."
Tanging nasabi ni nanay habang inaayos niya ang mga gulay para sa pagluluto. Inutusan ako ni nanay na bumili ng kandila sa tindahan para kung sakali na magbrown-out ay mayroon kaming magagamit.

Binigyan ako ni nanay ng dos at gamit ang kanyang bilao ay rumagasa ako sa ulan. Nadaanan ko ang ilanmg kapit-bahay na abala sa pagsusugal sa isang binubungan na bakuran. Pagtapat ko sa tindahan, sinalubong ako kaagad ng nakasimangot na mukha ni Aling Berta.

"Walang utang ngayon! sabihin mo sa nanay mo 'yung bigas na kinuha nia, kailangan na niyang bayaran pambalik puhunan." 

Ngumiti na lang ako at sinabing sasabihin ko sabay abot sa pera at kinuha ang kandila. Habang naglalakad, napa-isip ako at naawa sa kalagayaan namin. Napakanegatibo naman lagi ng isip ni aling Berta akala niya lagi kaming mangungutang.

Mag-aalas otso na ng gabi, nasa kalagitnaan na kami ng pagtulog, nang maulinigan kong umuungol si kuya sa tabi ko. Napabalikwas ako ng gising nang makita kong  sinusumpong siya ng sakit niya. Dali-dali kong ginising si nanay at natatarantang hinanap ang gamot ni kuya.

Napakalakas ng ulan ng oras na iyun.
Halos isayaw ng hangin ang bahay ni tiya.
Hindi namin marinig ang bawat isa dahil sa lakas ng kulog at kidlat.

Napaiyak na ako nang makita kong hirap na hirap na si kuya na sapo-sapo ang kanyang dibdib.
Si nanay ay tumakbo palabas ng bahay.
Narinig ko si nanay na sumisigaw ng "Tulong."
Kinakatok niya ang bawat bahay at wala ni isa man lang ang nagbukas.

Hindi ko alam ang aking gagawin.
Napayakap na lang ako kay kuya.

Naramdaman kong hindi na siya nanginginig.
Naramdaman kong kumalma na siya habang yakap ko.

Maya-maya pa'y humahangos na dumating si nanay.
Luhaan at sinabing wala siyang mahingian ng tulong.
Ngumiti ako kay nanay at sinabing "Nay,Okay na si kuya!"

Nakita ko ang paglamlam ng mukha ni nanay
at nakita ko rin kung paano siya pumalahaw ng iyak nang
lapitan niya kami ni kuya.

Namatay si kuya habang yakap ko.
Napaiyak akong muli dahil hindi ko alam na wala na pala siyag buhay nang oras na iyun.

Yakap-yakap ni nanay si kuya, nang marinig ko ang
malakas na ingay mula sa kung saan. sumilip ako sa uwang ng aming bintana at nagilalas ako sa nakita ko.

Nakita ko kung paano lamunin ng putik ang ilang bahay mula sa amin. Nataranta ako na sumisigaw na sinabing "Bumabaha, 'Nay!"

Hindi gumagalaw si nanay at parang wala sa sarili na yakap-yakap parin si kuya. Nilapitan ko siya at niyug-yog.
Ngunit walang reaksyon.

Napakabilis ng mga pangyayari.
Wala akong nagawa kundi ang yakapin ko si Nanay at si kuya.

Niyakap ko sila ng mahigpit.
Mahigpit na mahigpit at puno ng pagmamahal habang patuloy sa pag-agos ang aking mga luha.

Ngayon nga'y nasa kalsada ako at hawak
ang bilao ni nanay. Nagtataka kung bakit maraming sundalo. Nakita ko ang isang nakauniporme na akay-akay
si Nanay. Nilapitan ko siya at naiiyak akong nagsalita "Kuya, Nanay ko siya." Niyakap ko si nanay na wala ng buhay at putikan ang buong katawan.

Hindi ko siya mayakap.
Hindi rin ako narinig ng sundalo.

Nagilalas ako ng makita ko ang sarili kong katawan
na buhat-buhat ng isa pang sundalo.

Inihiga niya ang aking katawan sa kalsada kasama ang aking Nanay at si Kuya. Kabilang rin ang aming mga kapit-bahay.

Kaming lahat ay wala ng buhay.

Nagsusumigaw ako ng "Hindi." at patuloy sa pag-iyak.
Nakita ko sa kabilang kalsada si Nanay at Kuya na kumakaway sa akin. Nagmamadali akong tumakbo patungo sa kanila at muling niyakap sila ng mahigpit.


(Iniaalay ng The Harbinger ang kwentong ito sa mga nasawi sa pagragasa ng bagyong Sendong. Nawa'y tulad ng mga tauhan dito'y makamit nila ang katiwasayan sa piling ng maykapal.)


4 (mga) komento:

Unknown ayon kay ...

Nakakaantiq anq Kwentonq Itoh ...
Grabee nakakapanindiq Balahibo ...
Cquro nqa Napakadali lamanq nq Buhay kunq atinq titiqnan ...
Dahil ayon nqa sa Bibliya "Itoy Hiram lamanq sa Poonq Maykapal"
Anq "Trahedya" ay di talaqa naten aasahan yan dahil biqla biqla nalanq itonq Daratinq kea nqa dapat laqe tayonq handa upanq tayo'y makaiwas ...
Sinabe na rin sa kwento na di naten aasahan anq mqa manqyayari dahil minsan tayo mismo mqa tao anq qumaqawa nq atinq "KAPALARAN"

The Harbinger Diary ayon kay ...

Marvin :D maraming salamat at nagustuhan mo ang Bilao :D

ambulan ayon kay ...

Nagulat nalang ako nang malapit nang matapos yung story. Kinilabutan ulit ako. Napaluha pa. Tapos naalala ko yung panaginip ko. :| (weird)

The Harbinger Diary ayon kay ...

.Ambulan, salamat at naibigan mo ang kwentong BILAO.