Puno ang dyip na aming sinakyan.
Onsehan ang pasaherong kasiya
sa magkabilang upuan.
Naiinis ako sa manong drayber dahil pilit parin siyang
nagpapasakay ng mga pasahero kahit na para kaming sardinas sa loob ng kanyang luma at karag-karag na dyipni.
Sa sobrang pagod ng aming ibiniyahe,
nakaidlip ako kasama ang aking bunsong anak.
Hindi biro ang mag-ikot sa buong syudad para lang hanapin ang nawawala kong tatay. Magsisitentay singko na si tatay
at may sakit pa siyang Schizophrenia.
Madalas ko siyang sigawan noon lalo na kapag pinapakain ko siya at paglalaruan lang niya ang pagkain na pinagpaguran ko sa maghapong pagtatrabaho sa opisina.
Huli na nang malaman ko ang sakit ni tatay.
Palala na ito at napakabilis ng kanyang pagbabago.
Isang beses, nakita ko siyang kumakain ng almusal.
Inaya niya akong kumain pero tumanggi ako kasi
ang balak ko ay sa opisina na lang mag almusal.
Nakahanda na ang lahat ng gagamitin kong working papers
at presentation na iprepresent ko sa aking boss.
Lahat ng iyun ay maayos na nakasalansan sa aking bag.
Handa na akong umalis ng bahay nang maalala kong naiwan ko ang aking i.d sa kwarto. Tinawag ko ang aking kasambahay ngunit hindi siya sumagot
kaya nagmamadali akong umakyat.
Nasa bungaran na ako ng aming hagdan pababa
nang maulinigan ko si tatay na nagsasalita.
Mabilis akong pumanaog para alamin kung sino ang bisita.
Nagulat ako nang makita ko si tatay na nakadapa sa sala at
ginuguhitan ang mga presentation papers ko para sa aking boss.
Natakot ako.
Takot hindi para kay tatay kundi para sa akin. Sa aking anak.
Ang una kong naisip kaagad ay lumuwag ang tornilyo ni tatay.
Galit ako nang mga oras na 'yun. Hindi kami kahit kailan naging close kaya madali para sa akin
ang sigaw-sigawan siya.
Ang katwiran ko noon,
"HINDI naman SIYA ang NAGPALAKI at
NAGPAARAL sa akin."
Maraming mga pangyayari ang hindi ko malilimutan.
Mga nakakahiyang pangyayari kung paano ko sigawan at minsan ay saktan si tatay. Kahit isinet ko na sa aking sarili na dapat intindihin siya ay may mga pagkakataon paring HINDI ko siya MAINTINDIHAN.
Sabi nga ng aking matalik na kaibigan na SAKSI kung paano
kami pinabayaan at inabandona noon ni tatay, nang ibahay niya ang kanyang kalaguyo, "MASWERTE pa ang tatay mo dahil kinupkop mo siya."
MAHAL na MAHAL ko si tatay. SABIK ako sa kanya.
Lagi akong naghihimanhinasyon na kapiling namin siya at masaya ang buong pamilya.
Napatawad ko na si tatay noon pa. Pero aaminin ko,
may kirot parin sa pagkatao ko kapag naaalala ko ang
mga maling nagawa niya noo.
Ang huli kong "galit" kay tatay bago siya mawala ay nang
iniwan ko siyang nanonood ng T.V kasama ang aking anak na babae.
Matino si tatay nang mga oras na 'yun. Kilala niya ako.
Kilala niya ang apo niya. Kinausap ko si inday na bantayan sina tatay at ang bata dahil kasalukuyan kong tinatapos ang report ko.
Nasa konsentrasyon ako sa paggawa nang marinig ko
ang pagpalahaw ng aking anak. Nagmamadali akong nagtungo sa sala at nagilalas ako nang makita ko si
tatay na pinapalo ng remote control ng TV ang aking anak.
Sumisigaw siya na inagaw raw ng anak ko ang dede na para sa kanya. Mabilis kong kinuha ang aking anak.
Sa galit at bigla ko sa nakita,
pinalo ko si tatay sa ulo ng walis tambo
at nagsisigaw ako ng "LUMAYAS KA! LAYAS!"
Nagmamadaling lumabas ng bahay si tatay at bakas sa mukha niya ang takot.
Napasinghap ako sa GULAT nang may isang matandang lalaki ang nagpunas sa sapatos ko. Mahaba-haba rin pala ang idlip ko at may luha sa gilid ng aking mga mata.
Nakaluhod ang matanda sa paanan ko at nakatungo sa akin.
Naalala ko si tatay at nahiling ko na sana makita ko na siya.
At mapatawad niya ako.
Binigyan ko ang matanda ng 50.00 pesos.
Bumakas sa mukha niya ang sobrang tuwa.
Nakababa na kami ng aking anak sa Quiapo,
nagbabakasakaling makita roon si tatay na palaboy-laboy.
Nasa gilid kami ng simbahan nang may isang katandaang lalaki ang humila ng aking bag. Mabilis ang mga pangyayari.
Hindi ko magawang habulin ang snatcher dahil baka mawala
ko naman ang aking anak.
Namukhaan ko ang matanda.
Siya ang matandang nagpunas ng sapatos ko sa dyip
at binigyan ng pera.
Hindi ko inaasahan ang mga pangyayari.
LALO na nang mahilo ako at magsisigaw na
inagaw ng lalaki ang aking LARUAN.
Naglulupasay ako sa Quiapo at isinisigaw ang
Pangalan ng aking TATAY.
Pangalan ng aking ANAK at
Pangalan ng aking Matalik na KAIBIGAN.
Lahat ng tao ay sa akin
NAKATINGIN.
Bakas ang AWA at TAKOT
sa kanilang mukha.
AWA at TAKOT sa AKIN.
3 (mga) komento:
cool!
ang galing!napabigat ng istorya madadala kahit sino.nkkawidang pero may aral na dala. nasa mambabasa kung paano nya mlalman ang aral!Congrats the Harbinger!!!
aroy ang lalim at aroy dahil nasaktan ako sa mensahe.magaling!
Mag-post ng isang Komento