Naalala ko pa tuwing dapit-hapon, ang aking lola ay madalas gamitin
ang iyong pangalan para lang ako at ang aking mga kalaro ay magsiuwian.
Patawarin mo siya dahil sa walang patid niyang pag gamit ng iyong pangalan.
Eh kasi naman,
napakalakas ng iyong dating.
Kung hindi ka niya gagamitin, paniguradong mamamaos siya kakasigaw at
mananakit ang kanyang tuhod kakahabol sa amin.
Isang beses pa nga’y aksidente siyang natisod sa isang nakausling bato malapit sa puno ng alatires.
Mababait kaming magpipinsan.
Magalang minsan pero pilyo kadalasan.
Ewan ko ba siguro’y mana-mana lang.
Nasabi kong mana-mana dahil ito ang laging sinasabi ni lola: MANA kayo sa Lolo n’yo, HUDAS!
Unang kong narinig ang iyong pangalan noong ako’y nasa unang baitang sa elementarya.
Kasalukuyan akong pinaliliguan ni lola noon, nang bigla siyang napatigil sa pagsasabon sa aking katawan at walang sabi-sabing lumabas ng banyo.
Ikinatuwa ko ang paglabas niyang ‘yun dahil pagkakataon ko iyun para magliwaliw sa tubig. Pero sa murang edad napaisip ako kung bakit niya ako iiwan sa loob ng banyo. Eh dati, noong kasama pa namin si ina, lagi siyang nagagalit sa tuwing iiwan ako sa loob ng banyo mag-isa. Minsan nga nabubulyawan niya si ina kapag hinahayan niya akong magsabon mag-isa. Takot kasi si lola na may mangyari sa akin: Masabunan ang mata o malunod sa drum ng tubig.
Pero bakit niya kaya ako iniwan?
Napatigil ako sa pagbuhos ng tubig at tumingala.
Tama! Tumingala kasi si Lola bago siya galit na lumabas ng banyo. Hindi pa ako nakakapag-isip ng marinig ko ang matinis niyang boses na isinisigaw ang pangalan mo.
Hindi ko akalain na ang lakas ng POWERS mo. Na ultimo si lolo ay natataranta.
Paglabas ko ng banyo kitang kita ko na si lolo ay hindi magkadaugaga sa kakailag sa mga babasaging ibinabato ni Lola. Sa paglipad ng mga pang-display sa bahay ay kasama ang pangalan mo: Hudas Ka Ponse!!! MAMATAY ka na!!! Kunin ka nawa ni KAMATAYAN!!! Pati sa loob ng bahay natin nagawa mong dalhin ang kerida mo. MAMATAY KA NA!!!
Natakot ako kasi akala ko isa kang MALAKING MAMA na bibisita sa bahay at uupakan si Lolo dahil sa pagloloko niya. Naisip kong bumalik ulit sa banyo at duon ko nakita ang isang panti. Hmmm… Nagtaka ako kung bakit nagalit si lola noong Makita niya ‘yun. Naisip ko na lang na siguro’y hindi nalabhan ni lolo ang munting saplot na iyun.
Mula nang araw na ‘yun, hindi ko na nakita si Lolo sa bahay.
Takot na Takot ako noon.
Ang nasa isip ko’y nabug-bog mo na si Lolo at tuluyan ng naospital.
sa tuwing tatanungin ko kasi si lola kung nasaan si Lolo ang lagi niyang sinasabi ay kinuha mo na raw.
Hindi pa ba sapat si ina sa bahay mo para
maglinis, maglaba at magluto dyan?
Ano naman ang gagawin ni Lolo dyan, mag gu-gwardya?
Bilib na bilib ako sa powers mo. Alam mo bang pangalan mo rin ang sinasabi ko sa mga kalaro kong umaagaw ng laruaan ko. Lalo akong natutuwa pag mag gagabi na at tatakutin ko sila na paparating ka na. Ang mga engot kong kalaro ay nagkakandarapa sa pagtakbo pauwi.
Ang takot na nadama ko sayo dati ay napalitan ng paghanga.
Idol na nga kita eh. Kumbaga,
ikaw na ang nagging super hero ko.
Pero, akala ko lagi mo akong ipagtatanggol.
akala ko lagi mo akong poprotektahan at hindi hahayaang maapi.
Pero bakit ganun,bakit pati na rin si lola ay kinuha mo?
Ano gagawin ni Lola d’yan, mamamalantsa?
Hindi ako galit sa’yo. pero nagtataka lang ako kung bakit lahat ng mahal ko sa buhay kinuha mo na.
Wala ka ng itinira.
Sana kunin mo na rin ang sarili
mo kasi mahal din kita.
Para naman hindi ka na mangunguha pa ng iba.
Nagmamahal,
Ako Betong :)
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento